ISYU NG SOBERENYA!

August 3, 2022

Inihayag ng Malakanyang nitong Martes na ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag nang sumali sa International Criminal Court (ICC) ay isang “issue of sovereignty.”

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, may mga isinasagawa na umanong mga imbestigasyon kaugnay sa mga umano’y pagpatay nang isagawa ng nakaraang administrasyon ang kampanya nito laban sa illegal drugs, na siya rin umanong titingnan ng ICC.

“Ang hindi natin pagbabalik sa ICC ay isyu ng soberanya,” saad ni Cruz-Angeles matapos sabihin ng ilang rights groups na ang desisyon na huwag sumali sa ICC ay isang “terrible mistake.”

“Sa kasalukuyan, iniimbestigahan naman po ang mga reklamo ukol dun sa mga namamatay during the drug war kung kayat hindi na nangangailangan pang tumugon sa ICC o bumalik ang ating bansa sa Rome Statute,” sabi ni Angeles.

Kung matatandaan, March 2018 nang kaselahin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang membership ng Pilipinas sa Rome Statute.

Nitong Lunes, sinabi ni Marcos na walang plano ang Pilipinas na muling umanib sa ICC matapos makipagpulong ang Pangulo sa legal team ng kaniyang administrasyon para talakayin ang ginagawang imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng nagdaang Duterte government.

Dumalo sa naturang pulong sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Solicitor General Menardo Guevarra, Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, Executive Secretary Vic Rodriguez, at Atty. Harry Roque, dating spokesperson ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

“The meeting that we had with the SolGen, the Secretary of the Department of Justice, kasama na rin diyan si Senator Enrile who has become my legal adviser, amongst other, we — yes also si Atty. Harry Roque because he is involved and recognized by the ICC — ang mineeting (meeting) namin ay dahil sinasabi ngayon na itutuloy ang imbestigasyon (sa war on drugs),” ayon kay Marcos.

“Eh sinasabi naman namin may imbestigasyon naman dito at patuloy rin naman ang imbestigasyon, bakit magkakaroon ng ganoon?,” dagdag niya.

Sa abiso na may petsang July 14, binigyan ng ICC ang bagong administrasyon ng hanggang September 8, 2022 para magbigay ng obserbasyon sa planong muling pagbubukas ng imbestigasyon.

Sinabi ni Marcos na kasama sa mga tinalakay sa pulong ay kung dapat o hindi dapat sumagot ang Pilipinas sa ICC.

“If we will respond, if we will not respond, kung ano — kung sakali man sasagot tayo, anong magiging sagot natin; or possible din, basta hindi natin papansinin dahil hindi naman tayo sumasailalim sa kanila,” sabi ni Marcos.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial