Rabiya Mateo, naging ‘NPA’

July 31, 2022

Aminado si Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo na naging “NPA” siya noon o “no permanent address” noong panahon na walang-wala pa sila sa buhay at talaga namang dumanas siya ng matinding hirap bago siya napunta sa kanyang kinalalagyan ngayon.

Ayon kay Rabiya, maituturing din sila noon ng kanyang single mom at nakababatang kapatid na mga “NPA,” o ang mga tinatawag na “no permanent address.”

“Nag-Grade 1 ako dito sa Manila, nag-Grade 2 ako sa Laguna, nag-Grade 3 ako sa Iloilo. Napalipat-lipat talaga kami because wala kaming address, wala kaming bahay. Nagre-rent lang kami, and kapag hindi nakabayad ng rent, pinapalayas. Ganoon kahirap yung buhay namin,” saad ni Rabiya sa isang panayam.

Dagdag niya, natatandaan niya ang eksena kung saan pinalayas na sila sa tinitirhang bahay sa Laguna at sinabihang kailangan na rin nilang iwan ang kanilang sala set, TV at refrigerator bilang bayad sa utang nilang renta.

“Hindi naman siya traumatic pero more of naaawa ako sa nanay ko. Kasi siyempre, nakikita mo ’yong mama mo nagmamakaawa para sa inyo. Nangungutang kung kani-kanino, sa mga kamag-anak, minsan hindi na rin tinutulungan. Kasi siguro ayaw din nila madamay sa hirap ng buhay namin,” kuwento ni Rabiya.

“Bata pa lang ako, namulat na talaga ako sa hirap ng buhay,” dagdag niya.

Buti na lang daw at naging full scholar siya sa college kaya malaking tulong sa kanilang pamilya. Naging working student din siya para magkaroon ng extra income.

“Kukuha ako ng exam na may rollers ako sa buhok kasi after niyan, magpa-fashion show ako. Pero hindi ko dapat pabayaan iyong exam ko kasi scholar ako, so parang I need to balance everything,” kuwento pa ng dalaga.

At nang maka-graduate (nagtapos ng cum laude) iniwan na nga niya ang para magtrabaho sa Manila, “Nakipagsapalaran ako dito kasi kailangan ko pa pag-aralin kapatid ko.”

Nabanggit din ni Rabiya ang isang touching na eksena nang sumali na siya sa beauty pageant, “When I competed for Miss Universe Philippines, iyong mama ko kailangan niya pang pumunta sa kapitbahay at makinuod during my pageant kasi wala kaming TV.”

Sa kabila ng mga hamon at pagsubok na kanyang hinarap, nanatiling palaban ang aktres, “Pinupuno ko talaga iyong utak ko ng positivity na kasi galing sa hirap, maaangat ko rin ang pamilya ko someday. So iyon ang naging promise ko kay mama.”

“Ngayon, mas inspired ako to do so much better kasi inaalay ko talaga ito sa mom ko. Like siya lang kasi mag isang nag-taguyod sa amin, siya lang. Kaya deserve niya lahat. Deserve niya lahat ng pagmamahal, lahat ng ginagawa sa buhay, mahal na mahal ko po talaga iyong nanay ko,” saad ng dalaga.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial